PSL magdaraos ng laro sa Quezon

MANILA, Philippines – Magkakaroon  ng pagkakataon ang mga taga-Quezon para mapanood ang mga mahuhusay na volleyball players na nagla­laro sa Philippine SuperLiga na magbubukas na sa Marso 21.

Ito ay dahil nagkasundo ang pamunuan ng PSL sa pangunguna ng pangulong si Ramon “Tats” Suzara at Quezon Province Governor David “Jay-Jay” Suarez na magsagawa ng laro sa Quezon Convention Center.

Unang conference na paglalabanan ay ang All-Filipino Cup at ang out-of-town game na ito na bahagi sa ‘Spike on Tour’ program ay nakakalendaryo sa ikatlong linggo sa buwan ng Abril.

Pinagtibay na ang tambalan nang lumagda sina Suzara at Suarez sa Memorandum of Agreement (MOA) kamakailan.

“This is the first time for us to host an event like this and we will do our best to make this event successful,” wika ni Gov. Suarez.

Maliban sa aksyon sa PSL ay magkakaroon din ng clinic  at men’s exhibition game na katatampukan ng mga manlalaro ng liga laban sa selection mula Quezon.

“We want to reach out to many volleyball fans as much as possible that is why we want to hold games in different venues, most especially on places with vibrant volleyball program like Quezon Province,” wika naman ni Suzara.

Nauna nang nagdaos ng Spike on Tour sa Cebu, Ilocos Sur, Muntinlupa City at sa Biñan, Laguna.

Opisyal na magsisimula ang 2015 PSL season sa Marso 6 at 7 sa pamama­gitan ng Draft Camp habang ang ikalawang PSL draf­ting ay gagawin sa Marso 11. (AT)

Show comments