MANILA, Philippines – Umiskor si guard Terrence Romeo ng 25 points, habang humakot si import Calvin Warner ng 30 rebounds at 17 markers para sa 101-78 paggupo ng Globalport sa Blackwater sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Batang Pier na ipinalasap sa Elite ang pangalawang dikit nitong kamalasan matapos gulatin ang San Miguel Beermen.
“I’m thankful to the guys, they’re responding to my challenge,” sabi ni head coach Eric Gonzales sa Globalport.
“The challenge is that we don’t settle for just doing okay and we don’t take Blackwater lightly,” dagdag pa ni Gonzales.
Nagdagdag si Ronjay Buenafe ng 15 points kasunod ang 10 ni top overall pick Stanley Pringle.
Mula sa 21-20 abante sa first period ay kumawala ang Batang Pier sa second quarter para kunin ang 50-37 kalamangan patungo sa 74-56 pagbaon sa Elite papasok sa final canto.
Sa ikalawang laro, kumamada si balik-import Michael Dunigan ng 22 markers, habang nagdagdag si seven-foot center Greg Slaughter ng 19 points para sa 96-87 paggupo ng Barangay Ginebra sa nagdedepensang Purefoods.
Sa kabila ng pagparada kay Best Import Denzel Bowles ay nakamit pa rin ng Hotshots ang kanilang ikatlong sunod na kamalasan.
Tumapos si Bowles na may 31 points kasunod ang tig-14 nina PJ Simon at Mark Barroca para sa Purefoods.