MANILA, Philippines – Kinapos si Carlo Biado sa laban nila ni Ko Pin Yi ng Chinese Taipei para makontento sa pangalawang puwesto sa World 10-Ball Championship sa 9-11 pagkatalo sa finals na ginawa kahapon sa SM City Mall sa General Santos City.
Maagang lumayo si Ko, 9-2, pero pinakaba siya ng manlalaro ng Bugsy Promotion na si Biado nang dumikit sa isang race, 9-8.
Pero hindi nagawang makumpleto ng 31-anyos ang pagbangon para mabigong bigyan ng karangalan ang bansa sa kompetisyong itinaguyod ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Hindi man pinalad, ito pa rin ang pinakamagandang paglalaro ni Biado sa isang World Championship dahil pumangatlo lamang siya sa 2011 World 10-Ball at sa 2013 World 9-Ball Championship.
Bago ito ay tinalo muna ni Biado sina Liu Haitao ng China,11-7, sa quarterfinals at David Alcaide ng Spain,11-2 sa semifinals habang si Ko na naibulsa rin ang $40,000.00 premyo, ay nanaig sa mga kababayang sina Yang Ching-Shun (11-7) at nakababatang kapatid na si Ko Ping Chung (11-2).
Sina Derby City 9-ball champion Warren Kiamco at Johann Chua ay umabot din sa quarters pero minalas kina Ko Ping Chung, 1-11, at Alcaide, 9-11.