Magsanoc ngayon lang naramdaman ang saya ng pagiging kampeon

MANILA, Philippines - Magiging espesyal para kay Hapee Fresh Fighters coach Ronnie Magsanoc ang titulong napanalunan sa katatapos na PBA D-League Aspirants’ Cup dahil naisakatuparan ng panalo ang pangarap ng mga pla­yers na hindi pa nakakatikim ng kampeo­nato sa kanilang basketball careers.

Ito ang lalabas na ikalawang titulo sa batang coa­ching career ni Magsanoc pero ang una ay nangyari sa collegiate league nang igiya niya ang San Beda Red Lions sa NCAA title dalawang taon na ang naka­kalipas.

“Everything is a learning experience for me. Pero ngayon ko lang naramdaman ang saya una dahil mahirap ang panalo at ang isa pa ay nakasama ko ang mga kaibigan ko. But more than being happy for myself, masaya ako sa mga bata lalo na sa iba na first time lamang nag-champion. It’s realizing their dreams by helping one ano­ther,” ani Magsanoc.

Nangunguna na sa mga humawak ng championship trophy sa unang pagkakataon ay sina Earl Scottie Thompson at ang beteranong si Marvin Hayes.

Pinagningning ni Thompson ang matamis na tagumpay dahil siya ang nagbida sa ikalawang laro laban sa Cagayan Rising Suns na kanilang tinalo sa overtime, 93-91.

Tumapos si Thompson taglay ang 11 puntos, limang steals at isang blocks at naghatid ng dalawang steals, dalawang puntos at isang block sa huling 27 segundo para maibangon ang Hapee mula sa 89-91 iskor.

“Sinabi ko sa kanya,siya ang MVP and everybody in the team agreed,” wika agad ni team owner Dr. Cecilio Pedro kay Thompson.

“Naghahanda na kami sa Game Three at kahit si coach Ronnie gumagawa na ng line-up para sa Game Three pero nakada­lawang steal at na-block pa ni Scottie ang last shot.  Blessing ito from the Lord,” dagdag pa ni Pedro.

Ang sunod na hamon ay ang kunin ang titulo sa ikalawang conference at hamon sa Hapee kung paano mapapanatiling buo ang koponan.

Ngayon pa lamang ay malaki ang posibilidad na mawala ang conference MVP na si Bobby Ray Parks Jr. dahil nais uli niyang bumalik sa US para sumubok na makasama sa NBA.

Si Parks ay naglaro lamang ng mahigit dalawang minuto sa Game Two dahil nagkaroon siya ng right shoulder injury.

Hindi na rin muna iisipin ni Magsanoc ang susunod na hakbang kung mga manlalaro ang pag-uusapan dahil mas magandang namnamin ang tamis ng tagumpay.

Show comments