MANILA, Philippines - Walang lugar sa Philippine Basketball Association ang mga makapanirang-puring komento ni import Daniel Orton ng Purefoods.
Kaya naman pinagmulta ni PBA Commissioner Chito Salud si Orton ng P250,000 dahil sa kanyang pahayag laban sa liga pati na kay Kia playing coach Manny Pacquiao.
“For issuing comments that are disparaging, disrespectful of and offensive to his host league, the game officials and a fellow player and head coach of a member-team, a penalty of P250,000 is hereby imposed on Mr. Orton,” sabi ni Salud sa kanyang official statement matapos dinggin ang panig ni Orton kahapon.
Idinagdag ni Salud na wala na siyang pakialam kung ano ang gawin ng Purefoods kay Orton.
Tumagal ng halos 30 minuto ang pag-uusap nina Salud at ng 6-foot-9 na si Orton.
Matapos ang 84-95 kabiguan ng Hotshots sa Carnival sa 2015 PBA Commissioner’s Cup noong nakaraang Miyerkules ay ibinulalas ni Orton ang kanyang pagkadismaya sa palpak umanong officiating.
Hindi rin niya pinaligtas ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao na itinuring niyang ‘joke’ sa basketball.
Matapos ang paggiya ni Best Import Marqus Blakely sa Purefoods sa malinis na 3-0 record ay nakatikim ang Hotshots ng 1-2 baraha nang pumalit si Orton.
Sinasabing sisibakin ng Purefoods si Orton at ibabalik si Blakely, ang pinakamaliit na import sa komperensya sa taas lamang na 6’4. Opsyon din ng Hotshots ang muling kunin si Danzel Bowles na naghatid sa B-Meg Llamados sa korona ng 2012 PBA Commissioner’s Cup.