Eaglets dadagitin na ang titulo vs Bullpups

Laro Ngayon

(The Arena,

 San Juan City)

2 p.m. – Ateneo vs NU

 

MANILA, Philippines - Ibalik ang sarili bilang hari sa UAAP juniors bas­ketball ang gagawin ngayon ng Ateneo Eaglets sa muling pagharap sa nagdedepensang kampeon National University Bullpups sa The Arena sa San Juan City.

Nakabawi agad ang Eaglets mula sa paglasap ng kauna-unahang pagkatalo sa 77th season sa Game One sa pamamagitan ng 78-76 pananaig sa Bullpups noong Lunes.

Bitbit ang momentum, gagawin ng tropa ni coach Joe Silva ang lahat para manalo sa tunggalian na magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon.

Kung palarin, ito ang lalabas na ika-19th titulo ng Ateneo sa juniors basketball at una matapos ang ‘Grandslam’ mula 2008 hanggang 2010.

“We need to show our composure. They should not think too much but to enjoy and have fun,” wika ni Silva.

Ang tatlong kamador na sina season MVP Mike Nie­to, Matt Nieto at Lorenzo Mendoza ang mga mamumuno uli matapos magsanib sa 54 puntos.

Talo uli ang Eaglets sa rebounding sa Bullpups, 40-48, at naisuko ang 10 puntos agwat sa inside points, 22-32.

Pero bumawi ang E­aglets sa perimeter points, 39-22, at sa turnover points, 17-12, para mangailangan na lamang manalo sa larong ito.

Solido pa rin ang tsansa ng Bullpups na magwagi at itakda ang deciding Game Four sa Martes.

Pero dapat na kakitaan uli ng dominanteng laro si Mark Dyke para mabula­bog ang depensa ng Ateneo.

Matapos ang 20 puntos, 17 rebounds at 3 blocks sa 76-72 panalo, ang 6’3 na si Dyke ay mayroong lamang 12 puntos,16 rebounds at 0 block para kulangin ng suporta sa ilalim ang outside shooters ng koponan.

Show comments