MANILA, Philippines - Hindi lamang ang indoor volleyball kundi pati beach volley ay sasakupin na ng Philippine SuperLiga (PSL) sa hangaring tulungan itaas ang antas sa team sport na ito.
Sa Hunyo 5 hanggang 7 lalarga ang PSL Beach Volley Summer Challenge Cup na gagawin sa bagong gawang sand court sa SM Mall of Asia. Lahat ng koponang kasali sa PSL ay lalahok upang madetermina kung sino ang magiging kauna-unahang kampeon ng torneo.
Ang ikalawang edisyon ay gagawin mula Agosto 28 hanggang Oktubre 11 na PSL Beach Volley Open Series at puwedeng sumali ang mga company employees, mga mag-aaral at kahit ang simpleng mahihilig lamang sa sport na ito.
Opisyal na magsisimula ang 2015 PSL season sa Marso 6 at 7 sa pamamagitan ng draft camp bago sundan ng PSL Drafting sa Marso 11. Ang mga bagong graduate sa UAAP, NCAA at iba pang collegiate leagues ang puwedeng pagpilian ng mga koponang maglalaban-laban sa All-Filipino Conference na magbubukas sa Marso 21.
Ayon kay PSL president Ramon ‘Tats’ Suzara, ang mga kumpirmadong babalik ay ang Petron, Foton, Cignal at Philips Gold (dating Mane ‘N Tail) habang nakikipag-usap pa sila sa ibang kumpanya na nais na sumali sa liga.
Matatapos ang All-Filipino Conference sa Mayo 31 habang ang ikalawang conference na PSL Gran Prix na katatampukan ng mga imports ay gagawin mula Oktubre 17 hanggang Disyembre 5.
Ang Cignal at Petron na kampeon sa men’s at women’s division sa Gran Prix ay dadalhin ang Pilipinas sa Asian Men’s at Women’s Club Championships. Ang men’s ay gagawin sa Taipei mula Agosto 13 hanggang 21 habang ang women’s ay sa Vietnam ilalarga mula Setyembre 12 hanggang 20.
May plano rin ang pamunuan na magsagawa ng Women’s Champion League na katatampukan sa unang pagkakataon ng pagtatapat ng mga kampeon sa PSL, Shakey’s V-League at mga collegiate leagues UAAP at NCAA.
Malaki ang paniniwala ni Suzara na mas malayo ang mararating ng liga ngayon sa pamamagitan ng telebisyon dahil nakuha nila bilang partners ang TV5 at Solar Sports.
Ang TV5 na pag-aari ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan ay siyang magpapalabas sa free television habang ang Solar Sports ang mangangasiwa sa pag-ere ng mga laro sa cable channel.