MANILA, Philippines - Maski ang kanyang mga nakalabang boxing legends ay hindi binastos si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ngunit sa kabila ng estado ng Sarangani Congressman ay hindi siya iginalang ni Purefoods import Daniel Orton matapos ang 84-95 pagyuko ng Hotshots sa Kia Carnival ni Pacquiao noong Miyerkules ng gabi sa 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa isang panayam, sinabi ni Orton na lubha siyang pinag-initan ng mga referees para ipanalo ang koponan ni Pacquiao na itinuring niyang ‘joke’ sa basketball.
“This game is seriously a joke. The way the game was going, the refs took the game that I know and love and they made it into a mockery,” sabi ng 6-foot-8 reinforcement.
Nang tanungin sa paglalaro ng 5’6 at 36-anyos na si Pacquiao sa PBA, sinabi ni Orton na: “That’s the joke. That’s part of the joke I was talking about. Professional boxer, yeah, okay. Congressman, alright. Professional basketball player, no. It’s a joke. Seriously, it’s a joke.”
Sa naturang kabiguan ay tumapos lamang si Orton, ang dating first round pick ng Orlando Magic, na may 6 points at 3 rebounds sa loob ng 19 minuto bunga ng pagkakalagay sa foul trouble.
Sa paglalaro ni PBA Best Import Marqus Blakely ay nagposte ang Purefoods ng malinis na 3-0 kartada bago mahulog sa 1-2 sa ilalim ni Orton na nanggaling sa kampanya sa Chinese league.
Dahil sa kanyang pahayag ay ipinatawag ni PBA Commissioner Chito Salud si Orton sa kanyang opisina ngayong ala-1 ng hapon para pakinggan ang panig nito.