Fresh fighters tatapusin na ang Rising Suns
Laro Ngayon
(Ynares Arena, Pasig City)
3 p.m. Hapee Fresh Fighters vs Cagayan Rising Suns
MANILA, Philippines - Isang malaking selebrasyon ang nais gawin ng Hapee Fresh Fighters sa pagseselebra ngayon ng Chinese New Year sa pagsagupa uli sa Cagayan Rising Suns sa Game Two sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bitbit ang 82-74 panalo sa unang pagtutuos noong Lunes, tiyak na inspirado ang lahat ng manlalaro ni Hapee coach Ronnie Magsanoc na mangibabaw uli sa Rising Suns sa larong mapapanood sa ganap na alas-3 ng hapon.
“Nakauna lang kami at inaasahan kong mas mahirap ang labanan sa Huwebes (ngayon),” ani Magsanoc na kailangan na lamang na manalo ngayon para kunin ang kanyang kauna-unahang titulo bilang isang coach sa commercial league at pagningningin ang pagbabalik ng Hapee matapos magpahinga ng ilang taon.
Ang mga higanteng sina Ola Adeogun at Troy Rosario ang nagdala sa laban ng Hapee sa unang tagisan nang pangunahan nila ang 29-11 start.
May 21 puntos at 15 rebounds si Adeogun habang si Rosario ay tumapos bitbit ang 16 puntos at tatlo lamang ang kanyang isinablay sa 10 attempts.
Hindi man humakot ng puntos, ang mga pamalit na sina Earl Scottie Thompson at Baser Amer ay tumulong sa depensa para maposasan ang mga shooting guards ng Rising Suns.
“Hopefully, we can again slow them down,” dagdag ni Magsanoc.
Asahan naman na mas preparado ang tropa ni coach Alvin Pua para maitabla ang serye at maihirit ang sudden death sa Lunes.
Hindi na bago sa ganitong sitwasyon ang Rising Suns dahil sa semifinals series laban sa Cebuana Lhuillier Gems ay natalo rin sila sa unang laro pero bumalikwas at nagwagi sa sumunod na dalawang tagisan.
Ngunit iba ang kalidad ng Hapee na isang star-studded team at kailangang magtulung-tulong ang mga kamador ng Cagayan para lumakas ang tsansang manalo.
Si 6’7 number one pick Moala Tautuaa ay nagpakita ng disenteng numero na 16 puntos at 15 rebounds ngunit kinulang siya ng suporta dahil ang shooter na si Abel Galliguez ay may tatlong puntos lamang na lahat ay nanggaling sa free throw line.
Ang bagay na ito ay hindi dapat maulit dahil kung hindi ay makokontento na lamang ang Cagayan sa kanilang ikalawang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos.
Noong 2012 sa nasabing conference ay umabot sa Finals ang Cagayan pero winalis sila ng NLEX Road Warriors. (ATan)
- Latest