MANILA, Philippines – Nagsalpak ng dalawang free throws si Matt Nieto upang maisantabi ang triple na pinakawalan ni Philip Manalang sabay tunog ng final buzzer para makaalpas ang Ateneo Eaglets sa nagdedepensang kampeon National University Bullpups, 78-76, sa 77th UAAP juniors basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lumamang ng hanggang 15 puntos ang Eaglets, 65-50, sa ikatlong yugto pero bumangon ang Bullpups at nakapanakot sa 76-73, sa offensive rebound ni John Clemente sa huling 11 segundo.
Nilapatan ng duty foul ni Manalang si Nieto na malamig na isinalpak ang dalawang mahahalagang free throws na nagtiyak ng panalo sa Ateneo.
“In Game One, we were really tight and so excited to win. For this game, I just told them to enjoy the game, do the things right and do what we do best, sharing the ball,” wika ni Ateneo coach Joe Silva na nais ibigay ang ika-19th titulo ng Ateneo.
Sa Biyernes gagawin ang Game Three sa nasabing venue.
Si Nieto ay mayroong 18 puntos habang sina Lorenzo Mendoza, Mike Nieto at ang off-the-bench player na si Gian Mamuyac ay nag-ambag pa ng 20, 16 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Gumawa si Manalang ng 19 puntos habang ang iba pang starters na sina Mark Dyke, Clemente at Justine Baltazar ay may 12, 12 at 10 puntos.
Ngunit napilayan ang tropa ni coach Jeff Napa nang na-foul out bago natapos ang ikatlong yugto si Jordan Sta Ana at mangailangan ang Bullpups na maipanalo ang susunod na dalawang laro para matagumpay na maidepensa ang hawak na titulo. (AT)