MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na hindi pa iiwan ni Donnie “Ahas” Nietes ang pinaghahariang light flyweight division sa taong ito.
Sa panayam kay Nietes noong Lunes ng gabi nang dumalo siya sa PSA Annual Awards Night na ginawa sa 1Esplanade sa Pasay City, binanggit niya ang planong idepensa pa ang titulo laban sa number one contender sa World Boxing Organization.
“Hinihintay ko pa ang desisyon ng manager ko. Pero baka gumawa pa ako ng isang mandatory title fight laban kay Francisco Rodriquez Jr. Kaya hindi pa ako aakyat,” wika ni Nietes na kinikilala rin bilang kampeon sa dibisyon ng nirerespetong The Ring.
Si Rodriguez ay isang 21-anyos Mexican boxer na naging IBF at WBO minimumweight champion noong nakaraang taon.
Ang 32-anyos boksingero na ipinanganak sa Murcia, Negros Occidental, ang siya ngayong kinikilala bilang pinakamatagal na nakaupong kampeon ng bansa at sasalang siya sa aksyon sa Mayo 28 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kontra kay Luis Ceja ng Mexico.
Balak ni Nietes na maitaas ang 34-1 (20KOs) baraha kung manaig kay Ceja, ang number 11 ranked challenger sa WBO at may 26 panalo sa 34 laban.
“Tulad din sa dati ang paghahanda ko. Ngayon ay nasa 50 rounds na ang sparring ko kaya pagdating sa laban ay alam kong kondisyon na kondisyon ako,” pahayag pa ni Nietes, na isa sa mga Major awardees sa idinaos na PSa Awards Night.
“Masayang-masaya dahil halos ilang taon na rin akong pinararangalan ng PSA. Nare-recognized ang mga nagagawa ko ng mga press ng Manila at ng PSA,” dagdag pa ni Nietes.