MANILA, Philippines – Isa si dating Senator Robert Jaworski, Sr. sa mga haligi ng Philippine Basketball Association.
At hindi maikakailang kasama ang kanyang pangalan sa mga sinasabing maaaring ikunsidera bilang kapalit ni Chito Salud bilang PBA Commissioner.
Sa PSA Awards Night noong Lunes ng gabi sa 1Esplanade sa Pasay City ay sinabi ni Jaworski na isang mabigat na responsabilidad ang iiwanan ni Salud para sa papalit sa kanya.
“It’s a big challenge for anyone who will be given the opportunity to be part of this very prestigious and worthy endeavor considering that not only is he a prime mover of basketball, but also a prime mover in physical conditioning and other traits that sports emulates,” wika ni Jaworski.
Tatapusin ni Salud ang kasalukuyang 40th PBA season bago ang opisyal na pagbibitiw sa posisyon.
Si Salud, isang abogado na nagsilbing presidente ng National Home Mortgage Finance Corp. at ng Natural Resources Development Corp., ang pang-walong PBA Commissioner matapos sina Leo Prieto, Mariano Yenko, ang kanyang amang si Rudy Salud, Rey Marquez, Jun Bernardino, Noli Eala at Sonny Barrios.
Si Salud ang pumalit kay Barrios bilang PBA Commissioner noong 2010.
Sa pamamahala ni Salud ay nangibabaw ang liga bilang top sports entertainment sa bansa kung saan bumasag ito ng record sa gates at TV ratings sa pakikipagtulungan sa TV5.
Sa liderato rin ni Salud nangyari ang muling pagsabak ng bansa sa 2014 World Cup matapos makuha ng Gilas Pilipinas ang silver medal noong 2013 FIBA Asia Men's Championships.