Bullpups hihirit uli sa Eaglets
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
2 p.m. NU vs ADMU (Jrs finals)
MANILA, Philippines – Makadalawang sunod na panalo sa Ateneo Eaglets ang tangka ngayon ng inspiradong National University Bullpups sa pagpapatuloy ng 77th UAAP juniors basketball finals sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magsisimula ang bakbakan at sasandalan ng nagdedepensang kampeon Bullpups ang 76-72 panalo na nailista sa pagbubukas ng championship round noong Biyernes.
Ang panalo ay una sa ikatlong pagtutuos at higit dito ay tinapos ng NU ang 14-0 winning streak ng Eaglets na ginawa sa double-round elimination.
Dahil sa maagang pagsikat, ang Eaglets ay nagkaroon ng thrice-to-beat advantage na naglaho na dahil isang best-of-three series na ang tagisan.
“Bumalik na ang kumpiyansa ng mga players na kaya nilang manalo sa Ateneo,” wika ni NU coach Jeff Napa.
Itinaas ng beteranong si Mark Dyke ang antas ng paglalaro sa kinamadang 20 puntos, 17 rebounds at tatlong blocks habang umangat din sina John Clemente, Philip Manalang at Justine Baltazar para sa mahalagang panalo.
May 17 at 14 puntos sina Clemente at Manalang habang ang 6’6 center na si Baltazar ay humablot ng 17 puntos at mayroon pang anim na blocks.
Dahil kina Dyke at Baltazar, dinomina ng NU ang rebounding, 66-48, tungo sa 25-6 kalamangan sa second chance points.
“Mark is Mark. Pero ang mahalaga ay may iba pang players na mag-step up. Kailangang higitan namin ang aming naipakita sa Game One dahil alam kong babangon ang Ateneo,” dagdag ni Napa.
Inaasahang mas relax na maglalaro ang Eaglets ngayon dahil wala na silang iniintinding sweep.
Ang kambal na sina Mike at Matt Nieto ang magdadala sa Eaglets matapos ang 25 at 19 puntos sa unang pagkikita.
Pero dapat na tumulong ngayon ang iba pang starters na sina Lorenzo Jason at Shaun Ildefonso na anak ng dating PBA MVP Danny Ildefonso, matapos ang mahinang apat na puntos na pinagsamang ambag sa koponan. (AT)
- Latest