NU Bullpups ginitla ang Blue Eaglets
Laro sa Martes
(The Arena,
San Juan City)
2 p.m. NU vs Ateneo
MANILA, Philippines - Ipinatikim ng nagdedepensang kampeon National University Bullpups ang kauna-unahang kabiguan sa Ateneo Blue Eaglets, 76-72, sa pagsisimula kahapon ng 77th UAAP juniors basketball Finals sa The Arena sa San Juan City.
Si Mark Dyke ang bumandera sa Bullpups sa kanyang 20 puntos, 17 rebounds at tatlong blocks ngunit hindi niya sinolo ang trabaho dahil tumulong ang ibang kasamahan para sa malinaw na mensahe na hindi pa handa ang NU na bitiwan ang suot na korona.
May 17 puntos si John Clemente habang si Philip Manalang ay may 14 puntos at ang dalawang ito ay nagsanib sa 13 puntos sa huling yugto.
Ang 6’6 center na si Justine Baltazar ay humablot din ng 17 rebounds at may anim na shot blocks at katuwang si Dyke, ang NU ay inilayo nila sa 66-48 dominasyon sa rebounding at 12-5 sa blocks laban sa Ateneo.
“Expected na si Mark ang magdadala sa team. Kaya naman mahalaga sa amin ang ibibigay ng ibang teammates niya,” wika ni NU coach Jeff Napa.
Si Mike Nieto ay mayroong 25 puntos habang ang kakambal na si Matt at Lorenzo Mendoza ay naghatid ng 19 at 14 puntos para sa Eaglets na pumasok sa laro bitbit ang 14-0 marka para sa thrice-to-beat advantage.
Ngunit ang mga Nieto ay natahimik sa huling yugto sa kinamadang 4-of-15 shooting, kasama ang 2-of-8 sa 3-point line, para makakawala ang Bullpups at gawing best-of-three ang championship series.
Nakita ang matinding determinasyon ng Bullpups na natalo sa dalawang pagkikita nila ng Eaglets sa elimination round, dahil hindi nila pinatikim ng kalamangan ang katunggali.
Pinakamalaking bentahe sa laro ay nasa 14 puntos, 45-31 sa ikatlong yugto.
- Latest