Bonzo kinuha ang stage 3; Cayubit Visayas Leg Champion

BACOLOD City, Philippines --Naiuwi ni Mark Julius Bonzo ang ikatlo at huling stage upang saluhan sa podium si Boot Ryan Cayubit na lumabas na overall champion sa isinagawang Visayas elimination ng 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC.

Nagsimula at natapos ang karera sa Bacolod City Provincial Capitol at pinalad si Bonzo na nakakalas sa mga kasabayan para kunin ang pangunguna sa karera dito.

“Iniaalay ko ang panalong ito sa tatay ko,” wika ng 25-anyos na siklista na ang ama ay si Romeo na nanalo sa 1983 Marlboro Tour.

Ang tiyempo ni Bonzo ay tatlong oras, pitong minuto at 17 segundo na siya ring ti­yempo ni Cayubit para makuha ang overall title sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

“Nagbunga ang paghihirap ko at sana madala ko ang panalong ito sa Championship round,” wika ni Cayubit, pumangalawa sa Bacolod-Bacolod Stage Two na kinatampukan ng mga ahunan upang magkaroon ng kabuuang oras na 12:37:01.

Tinalo ni Cayubit ang nagwagi sa Stage Two na si Marcelo Felipe (12:40:07) habang ang Cebuanong si Rey Martin ang puma­ngatlo (12:42:35) sa karerang may suporta rin ng Cannondale, Standard Insurance,Tech1 Corp., Maynilad at NLEX.

May P50,000.00 premyo si Cayubit at isa sa mga tututukan sa Championship round mula Pebrero 22 hanggang 27 na magsisi­mula sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna hanggang Baguio City.

Ang iba pang siklista na pumasok sa top 10 ay sina Irish Valenzuela (12:43:23), Baler Ravina (12:43:27), Cris Joven (12:45:03), Leonel Dimaano (12:43:03), Junrey Navarra (12:50:35) at Alvin Benosa (12:54:38).

Nagkaroon ng aberya ang karera nang nag­kabanggaan sina Ravina, women’s national rider Avegail Rombaon at isang nakamotor na marshall sa huling dalawang kilometro ng karera.

Maayos naman ang tatlo at galos lamang ang tinamo sa insidente.

Lilipat ang elimination sa Luzon at magsisimula ito sa Tarlac City sa Lunes bago tumulak sa Antipolo City kinabukasan.

Nasa 84 siklista ang hinahanap sa mga qualifying races na ito para isama sa mga seed na riders tulad ng nagdedepensang kampeon na si Reimon Lapaza, mga kasapi ng national team sa pamumuno ni Mark Galedo at isang European composite team.

Show comments