MANILA, Philippines - Apat na taon lamang ang panahon na ibinigay ni Chito Salud para sa kanyang pamumuno sa Philippine Basketball Association bilang Commissioner.
Sa kanyang pang-limang taon sa professional league ay nakahanda nang bumaba sa kanyang puwesto si Salud.
Pormal na ihahayag ito ni Salud, pumalit kay Sonny Barrios noong 2010, bukas sa double-header ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pangangasiwa ni Salud ay lalo pang kuminang ang PBA bilang top sports entertainment sa bansa kung saan bumasag ito ng record sa gates at TV ratings sa pakikipagtulungan sa TV5.
Nangyari rin sa kanyang liderato ang muling paglalaro ng bansa sa 2014 World Cup mula sa pagsikwat ng Gilas Pilipinas sa silver medal ng 2013 FIBA Asia Men’s Championships.
Si Salud, isang abogado na nagsilbing presidente ng National Home Mortgage Finance Corp. at ng Natural Resources Development Corp., ay ang pang-walong PBA Commissioner matapos sina Leo Prieto, Mariano Yenko, ang kanyang amang si Rudy Salud, Rey Marquez, Jun Bernardino, Noli Eala at Barrios.
Ayon sa isang malapit kay Salud, maaga ang gagawing pagbibitiw ni Salud para bigyan ng sapat na panahon ang PBA Board of Governors na makahanap ng kanyang kapalit.