MANILA, Philippines - Higit sa 1,500 partisipante sa buong bansa ang inaasahang sasabak sa pang-walong edisyon ng Prima Pasta Badminton Championships na hahataw sa Pebrero 28, Marso 1, 6, 7 at 8 sa Powersmash Badminton Courts sa Pasong Tamo, Makati City.
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga kalahok taun-taon, nagdesisyon si Prima Pasta Badminton Championship organizing committee chairman Alexander Lim na palawigin ang play dates.
“We are very happy to announce that we’re extending the play dates because of the growing number of participants each year and every year the competition is becoming more competitive,” sabi ni Lim. “The national team is expected once again to be the team to beat.”
Sa pakikipagtulungan sa Philippine Badminton Association (PBA), ang annual badminton tournament ay bahagi ng Philippine National Ranking System (PNRS) kung saan ang mga aspirante sa Open Division ay makakakuha ng puntos na magiging basehan para sa kanilang posisyon sa national ranking.
Ang mga nakalatag na events sa torneo, itinataguyod ng Babolat at SMART Communications sa pamamagitan ng MVP Sports Foundation, ay ang Men’s Doubles at Mixed Doubles mula Open class hanggang sa Levels A-G, habang ang Open Class at Levels B-F ay nakalinya sa Women’s Doubles.
Ang event ay suportado rin ng Boysen Paints, Morning Star Milling Corporation, Mabz Builders, ILO Construction, Monolith Construction, Monocrete Construction, Pioneer Insurance, Promax International, Regent Foods Corp., RFM Corp. at pinalakas ng Forthright Events.
Ilan sa mga top badminton stars na sasali ay sina Paul Vivas, Joper Escueta, Peter Gabriel Magnaye, at Ronel Estanislao.