MANILA, Philippines - Nagrupo ang Pilipinas sa South Korea, Australia at Kazakhstan para sa 18th Asian Women’s Volleyball Championship sa Beijing at Tianjin sa China.
Ang kompetisyon ay nakatakda sa Mayo 20-28 at ang Pilipinas at mga kasamang bansa ay nasa Pool D matapos ang isinagawang draw kamakailan.
Awtomatikong kasali ang Pilipinas sa kompetisyon kasama ang 16 bansa dahil nagpadala ang Philippine Volleyball Federation ng koponan noong 2013 sa Nakhon, Ratchasima sa Thailand.
Tumapos ang bansa sa ika-12 puwesto at tinalo ang mga bansang Myanmar at Sri Lanka.
Ngunit nasa balag ng alanganin pa ang partisipasyon ng women’s team dahil sa gulo sa liderato ng sport.
Nagtatag ng bagong pederasyon si POC 1st Vice President Joey Romasanta ng Larong Volleyball ng Pilipinas para ipalit sa PVF at may inisyal na rekognisyon ang grupo mula sa international volleyball federation (FIVB).
Kailangan lamang na magluklok ang LVP ng mga opisyales hanggang Pebrero 15 at kung hindi ay babawiin ang pagkilala at masususpindi ang bansa.
Ngunit nagulong muli ang sitwasyon dahil ipinag-utos ni POC president Jose Cojuangco Jr. kay Romasanta na bitiwan niya ang LVP at ibigay sa dating PAVA president at dating kasamahan sa Kongreso na si Victorico Chavez.
Si Chavez ay kabahagi ng PVF at nais din niyang bitbitin ang ibang opisyales ng binubuwag na pederasyon.
Ang nagdedepensang kampeon sa Asian Women’s na Thailand ay nakasama ng Chinese-Taipei, Hong Kong at Sri Lanka sa Pool B.
Ang host China ay kabilang sa Pool A kasama ang Iran,Fiji at India, samantalang ang Japan, Vietnam, Mongolia at Turkmenistan ay nasa Pool C.
Ang mangungunang tatlong bansa matapos ang torneo ay papasok sa World Olympic Qualification Tournament na nakatakda sa Mayo 2016.