Laro sa Lunes
(The Arena,
San Juan City)
3 p.m. – Hapee
vs Cagayan (Finals)
MANILA, Philippines - Pinaulanan ng Cagayan Rising Suns ng tres ang Cebuana Lhuillier Gems sa huling yugto upang ang naunang dikitang laro ay mauwi sa 103-85 panalo sa do-or-die semifinals game ng PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Abel Galliguez ay may dalawang triples, habang sina Don Trollano at Eric Salamat ay may tig-isa para pasiklabin ang 19-2 palitan tungo sa dominanteng pagtatapos.
Sa kabuuan, ang Rising Suns ay may 13 triples na naitala sa larong ito.
Bago ito ay nagpakawala ng magkasunod na triples si Allan Mangahas para idikit ang Gems sa tatlo, 82-79, sa huling 6:29 minuto ng labanan.
Ang 6-foot-7 top rookie pick na si Moala Tautuaa ang nangunang muli para sa Cagayan sa kanyang 22 puntos, 8 rebounds at 3 assists.
Si Adrian Celada ay nagpasok ng 16 puntos at 8 boards, habang sina Trollano, Galliguez at Alex Austria ay may 14, 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Makakaharap ng Cagayan ang Hapee Fresh Fighters sa best-of-three championship series na bubuksan sa Lunes.
Matapos ang 25-all iskor sa first quarter, nanalasa ang Rising Suns sa sumunod na yugto at si Tautuaa ay may 12 puntos para itulak ang koponan sa 55-47 bentahe sa halftime.
Angat pa rin ang koponang hindi natalo sa 11 laro sa elimination round sa pagtatapos ng third canto, 73-68, ngunit nakitaan ang Gems ng malakas na panimula para paniwalaan na may ibubuga pa ito.
Pero nanlamig naman ang Gems sa sumunod na apat na minuto ng laro.