Laro sa Sabado (The Arena, San Juan City)
8 a.m. Ateneo vs FEU (M)
10 a.m. La Salle vs UST (M)
2 p.m. UST vs UP (w)
4 p.m. FEU vs NU (w)
MANILA, Philippines – Pinabagsak uli ng Ateneo Lady Eagles ang UST Tigresses, 25-18, 25-22, 25-22, para isulong ang malinis na karta sa 12-0 sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Isinantabi ni Alyssa Valdez ang nanakit na kaliwang pulsuhan para tumapos taglay ang 20 kills tungo sa 21 hits habang sina Amy Ahomiro at Michelle Morente ay mayroong 12 at 11 puntos upang ilapit ang Lady Eagles sa dalawang panalo tungo sa 14-0 sweep.
Naghatid pa si Morente ng 11 digs habang ang setter na si Julia Morado ay may 33 excellent sets para ilista ng Lady Eagles ang pinakamalaking bilang ng panalo sa kasaysayan ng paglahok sa liga.
Ang dating best record ng Ateneo ay 11-3 na nakuha noong Season 74.
“Siyempre, we’re looking forward (sweep) na mangyari. Pero ang aim is one game at a time. Our next game is against UE and we will prepare for UE,” wika ni Valdez.
Ikalawang sunod na pagkatalo ito ng UST para malagay ngayon sa ikalimang puwesto sa team standings.
Sina Pamela Lastimosa at Ennajie Laure ay may tig-9 hits para sa Tigresses na natalo sa Ateneo sa ikapitong sunod na pagkakataon.
Nagawang lumamang ang UST sa kabuuan ng sets na pinaglabanan pero bumibigay sila para malaglag sa ikalimang puwesto sa 5-7 karta.
Kinubra ng La Salle Lady Archers ang ikalimang sunod na panalo at ika-11 panalo matapos ang 12 laro sa pamamagitan ng 25-6, 25-17, 25-17, straight sets pananaig sa wala pang panalong UE Lady Warriors.
Sina Mika Reyes at Ara Galang ay may tig-10 hits habang si Kim Fajardo ay may solidong limang hits, tampok ang dalawang blocks, bukod sa 28 excellent sets para manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto.
Patuloy pa rin ang paghahanap ng UE ng kanilang unang manalo dahil ang kabiguan ang kanilang ika-12 sunod sa taon. (AT)