Maikling mga text messages mula sa Amerika at mula sa mga taong malapit kay Manny Pacquiao ang natanggap natin nung isang araw.
Tungkol ito sa laban nila Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Humupa kasi ang excitement na naganap nang magkita ang dalawang boxers sa Miami kamakailan.
Akala ng lahat, matutuloy na ang laban matapos silang mag-usap ng masinsinan sa hotel room ni Pacquiao.
Ang balita tuloy ngayon ay sinadya talagang kausapin ni Mayweather si Pacquiao at ang adviser nito na si Mike Koncz na manahimik muna.
Marami kasing nasabi ang kampo ni Pacquiao nung mga nakaraang araw – na napirmahan na raw nila ang kontrata at tanging si Mayweather na lang ang hinihintay.
Ang katotohanan ay wala pa palang kontrata na nailatag sa mesa. Hindi ito nagustuhan ni Mayweather dahil lumalabas sa mata ng publiko na siya ang may ayaw sa laban.
Sa meeting nilang dalawa, nilinaw ni Mayweather na gusto niyang labanan si Pacquiao.
Pero hindi kasi ako magugulat kung biglang mag-announce si Mayweather na si Amir Khan ang lalabanan niya sa May 2 sa Las Vegas.
At pag nangyari yan, magkukumahog naman si Pacquiao humanap ng kalaban niya sa May 30.
Natural, mas papayag si Khan labanan si Mayweather. Baka mas malaki ang kitain niya rito.
Patuloy ang negosasyon kaya naman umaasa pa ang mga boxing fans na Pacquioa vs Mayweather nga ang magaganap sa May 2.
Tinawagan natin si Bob Arum pero hindi niya sinagot ang telepono. Sa halip ay nag-text siya sa atin ng “working hard to close.”
Nag-text din pala si Mike Koncz, ang adviser ni Pacquiao, at nagsabing, “nothing new.”
Ibig sabihin ay patuloy pa rin ang negosasyon.
Abang-abang lang.