Bullpups ikinasa ang titular showdown vs Eaglets
Laro sa Biyernes (The Arena, San Juan City)
2 p.m. NU vs Ateneo
MANILA, Philippines – Tinalo ng nagdedepensang kampeon National University Bullpups ang La Salle Zobel Junior Archers, 61-45, sa ikalawang yugto ng 77th UAAP juniors basketball step-ladder semifinals sa Blue Eagle Gym kahapon.
Humugot si Justine Baltazar ng 13 puntos at 11 rebounds para suportahan si John Clemente na nanguna sa 14 puntos.
May 13 rebounds pa si Mark Dyke bukod sa siyam na puntos at sila ni Baltazar ang nagkatuwang para bigyan ang NU ng 54-41 bentahe sa boards.
Naglaro ng naaayon ang mga starters ng Bullpups para dominahin ang mga katapat sa La Salle, 50-32, upang umabante sa Finals laban sa Ateneo Blue Eaglets
Sa Biyernes sisimulan ang tagisan sa The Arena sa San Juan City at kailangan ng Bullpups na talunin ng tatlong beses ang Eaglets na winalis ang double-round elimination (14-0).
“Mas mahirap ito pero mas matamis kung magagawa namin,” wika ni coach Jeff Napa na nasa kanyang ikaapat na sunod na taon sa Finals at balak ang ikalawang sunod na titulo at ikatlo mula 2011.
Ang NU ang kampeon sa kalalakihan at kababaihan sa season at kung manalo pa ang Bullpups, sila lamang ang magiging ikalawang paaralan na winalis ang tatlong dibisyon sa basketball.
Unang nakagawa ng ganitong kasaysayan sa liga ay ang UST noong 1994-95 season.
Sina Aljun Melecio at Joaquin Banzon ay tumipa ng 15 at 14 puntos ngunit ang sumunod na top scorer ng Junior Archers ay si Martin Romero na may apat lamang. (AT)
- Latest