Hapee sa finals; Cagayan humirit pa

Tinirahan ni Celedonio Trollano ng Cagayan si Clark Bautista ng Cebuana Lhuillier sa PBA D-League.

Laro sa Huwebes (The Arena, San Juan City)

3 p.m.  Cagayan Rising Suns vs Cebuana Lhuillier Gems

MANILA, Philippines – Pinahintulutan lamang ng Hapee Fresh Fighters ang Café France Bakers sa 20 puntos sa second half para angkinin ang unang upuan sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa 69-56 panalo kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nakipagdikdikan ang Bakers sa first half at naka­lamang pa sila ng isa, 36-35, sa halftime pero nang inilatag ng Hapee ang ipinagmamalaking depensa ay natahimik ang mga kamador para mamaalam na ang third seed sa kompe­tisyon.

Si Garvo Lanete ay gumawa ng walong puntos sa ikatlong yugto at kapos lamang siya ng isa sa kabuuang puntos na ginawa ng Bakers para lumayo ng walo ang Hapee, 53-45.

Ang jumper ni Gelo Alo­lino ang nagbigay sa Bakers ng 38-36 kalama­ngan bago nagtambal sina Lanete at Bobby Ray Parks Jr. sa 9-0 bomba para magsimulang lumayo ang Hapee.

Si Parks ay may 19 puntos habang si Lanete at Ola Adeogun ay nagbagsak ng tig-12 para sa Hapee na winalis ang Ba­kers, 2-0.

Maghihintay pa ng ma­kakalaban ang Ha­pee dahil bumangon ang Cagayan Rising Suns sa pagkatalo sa Game One sa pamamagitan ng 98-93 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa unang laro.

Bumawi ang top rookie pick na si Moala Tautuaa sa mahinang limang puntos na ginawa sa 85-89 pagkatalo nang maghatid siya ng 26 puntos at 13 rebounds.

Walong sunod ang kanyang kinamada sa isang stretch sa huling yugto upang ang 83-all  iskor ay naging 98-90 bentahe sa Cagayan.

Matapos ma-bokya sa huling pagtutuos, si Fil-Am guard Abel Galliguez ay mayroong 16 puntos, kasama ang triple na bumasag sa huling tabla  at maitabla ang best-of-three series sa 1-1 kahit nawala ang double-digits na kalamangan sa ikatlong yugto.

Show comments