Hapee sa finals; Cagayan humirit pa
Laro sa Huwebes (The Arena, San Juan City)
3 p.m. Cagayan Rising Suns vs Cebuana Lhuillier Gems
MANILA, Philippines – Pinahintulutan lamang ng Hapee Fresh Fighters ang Café France Bakers sa 20 puntos sa second half para angkinin ang unang upuan sa PBA D-League Aspirants’ Cup Finals sa 69-56 panalo kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakipagdikdikan ang Bakers sa first half at nakalamang pa sila ng isa, 36-35, sa halftime pero nang inilatag ng Hapee ang ipinagmamalaking depensa ay natahimik ang mga kamador para mamaalam na ang third seed sa kompetisyon.
Si Garvo Lanete ay gumawa ng walong puntos sa ikatlong yugto at kapos lamang siya ng isa sa kabuuang puntos na ginawa ng Bakers para lumayo ng walo ang Hapee, 53-45.
Ang jumper ni Gelo Alolino ang nagbigay sa Bakers ng 38-36 kalamangan bago nagtambal sina Lanete at Bobby Ray Parks Jr. sa 9-0 bomba para magsimulang lumayo ang Hapee.
Si Parks ay may 19 puntos habang si Lanete at Ola Adeogun ay nagbagsak ng tig-12 para sa Hapee na winalis ang Bakers, 2-0.
Maghihintay pa ng makakalaban ang Hapee dahil bumangon ang Cagayan Rising Suns sa pagkatalo sa Game One sa pamamagitan ng 98-93 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa unang laro.
Bumawi ang top rookie pick na si Moala Tautuaa sa mahinang limang puntos na ginawa sa 85-89 pagkatalo nang maghatid siya ng 26 puntos at 13 rebounds.
Walong sunod ang kanyang kinamada sa isang stretch sa huling yugto upang ang 83-all iskor ay naging 98-90 bentahe sa Cagayan.
Matapos ma-bokya sa huling pagtutuos, si Fil-Am guard Abel Galliguez ay mayroong 16 puntos, kasama ang triple na bumasag sa huling tabla at maitabla ang best-of-three series sa 1-1 kahit nawala ang double-digits na kalamangan sa ikatlong yugto.
- Latest