MANILA, Philippines – Sa dalawang sunod na panalo ng Rain or Shine ay nagningning si combo guard Paul Lee.
Kumamada si Lee ng walo sa huling 13 puntos ng Elasto Painters sa fourth quarter para sa kanilang 96-91 tagumpay kontra sa NLEX Road Warriors.
Tumapos siya na bitbit ang 25 points, 4 rebounds at 3 assists.
Matapos ang tatlong araw ay muling namayani si Lee nang ikonekta ang mga importanteng free throws sa dulo ng final canto para akayin ang Rain or Shine sa 104-98 panalo laban sa Globalport.
Umiskor ang batang Tondo ng 25 points na tinampukan ng 10-of-10 shooting sa free throw line.
Bunga ng nasabing mga produksyon ay napili si Lee bilang Accel-PBA Press Corps. Player of the week.
Naglista ang shooting guard mula sa University of the East ng mga averages na 25.0 points, 4.5 rebounds at 2.0 assists.
“Big challenge kasi para sa akin na every time i-start niya (coach Yeng Guiao) ako, dapat maganda agad start ko,” sabi ni Lee.