TORONTO – Sinamang-palad ang San Antonio na kinakitaan ng pinakamasamang shooting sa season para maghintay pa ng isang laro si coach Gregg Popovich na mailista ang kanyang ika-1,000th career win.
May 31 lamang sa 93 buslo ang naipasok ng Spurs (.333) na mas masama kumpara sa .344 marka nang lasapin ang 81-98 pagkatalo sa Houston noong Nobyembre 6, para sa 82-87 pagyuko sa Raptors.
Pumasok ang Spurs sa laro bitbit ang siyam na panalo sa huling 11 laro pero bigo sila na bigyan ng makasaysayan na panalo si Popovich nang dumayo sa Toronto.
Nagpakawala ng tres si Tony Parker bago bumanat ng dalawang free throws si Tim Duncan para makalamang sa unang pagkakataon ang Spurs, 77-75.
Lumobo ito sa tatlo, 80-77, sa triple ni Belinelli ngunit ang magkasunod na baskets nina Amir Johnson at James Johnson, ang huli ay isang 3-pointer, ang nagbalik sa Raptors ng kalamangan, 84-82.
Sumablay at may turnover ang Spurs sa mga sumunod na tagpo habang sina James at DeMar DeRozan ay nagsanib sa tatlong free throws tungo sa panalo.
May season-high 20 puntos si J. Johnson habang si DeRozan ay naghatid ng 18 para sa Raptors na nanalo sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Sa iba pang resulta ng mga laro, dinurog ng Oklahoma City ang Los Angeles Clippers na naglaro ng wala ang star na si Blake Griffin, 131-108; ang Memphis ay wagi sa Atlanta, 94-88; ang Indiana sa Charlotte, 103-102; ang Minnesota sa Detriot,112-101; ang Chicago sa Orlando, 98-97; ang Sacramento sa Phoenix, 85-83; at Cleveland sa Los Angeles Lakers, 120-105.