Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
2 p.m. Cebuana Lhuillier vs Cagayan Valley
4 p.m. Café France vs Hapee
MANILA, Philippines – Pagtatangkaan ngayon ng Hapee Fresh Fighters at Cebuana Lhuillier Gems na ikasa ang kanilang pagtutuos para sa titulo ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa pamamagitan ng paggapi sa mga katunggali sa best-of-three semifinals na gagawin sa The Arena sa San Juan City.
Hanap ng Fresh Fighters na ulitin ang 74-58 dominasyon sa Café France Bakers sa tagisang mapapanood matapos ang unang laro sa hanay ng Gems at Cagayan Valley Rising Suns sa ganap na alas-2 ng hapon.
May 2-0 karta ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc sa Bakers sa conference na ito at ang kanilang winning margin ay nasa 15 puntos upang mapaboran sa laban.
“Café France is a well coached team and we have to be prepared,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Ang husay nina Garvo Lanete at Bobby Ray Parks Jr. ang mga magdadala sa opensa pero ang pambato ng koponan ay sa depensa dahil pinahihintulutan lamang nila ang mga kalaban sa 58 puntos.
Sasandalan ng Gems ang 89-85 panalo laban sa Cagayan Rising Suns para makuha ang ikalawang pagtungtong sa championship round.
Malakas na panimula ang ginamit ng Gems sa unang pagkikita upang makauna sa best-of-three series.
Nakikita ni coach David Zamar na gagawa ng adjustments ang Cagayan kaya’t hindi dapat na magkumpiyansa ang kanyang mga bataan.
May 11-0 sa elimination round, tiyak na magpupursigi ang mga kamador ng Rising Suns sa pangunguna ng top rookie pick na si 6’7” center Moala Tautuaa na sa huling laro ay mayroon lamang limang puntos.
Sakaling magkaroon ng do-or-die game, ito ay gagawin sa Huwebes. (AT)