MANILA, Philippines – Magsisikap ang Perpetual Help na maibangon ang nadungisang puri sa paglahok sa 90th NCAA beach volley na gagawin sa Baywalk sa Subic Bay, Olongapo City mula Pebrero 11 hanggang 15.
Masidhi ang Altas at Lady Altas na manalo matapos mahubad sa kanila ang titulo sa indoor volleyball.
Sina Rey Taneo at Jack Kalingking ang magdadala ng laban sa men’s team na hawak ni coach Sinfronio Acaylar habang sina Jamela Suyat at libero Vhima Condada ang tinokahan sa kababaihan.
Panlaban sa juniors sina indoor volleyball MVP Ricky Marcos at alinman kina Jody Severo at EJ Casana.
Ang Junior Altas ang nagsalba sa di magandang kampanya sa indoor ng paaralan nang angkinin ang juniors title.
Huling nagwagi ang Junior Altas ng titulo sa beach volley ay noon pang Season 86 at 87 sa ilalim ni coach Miguel Rafael.
Si Sandy Rieta ang humahawak na sa koponan at mabigat nilang kalaban ay ang EAC Brigadiers at Arellano Junior Chiefs na nagkampeon sa huling tatlong edisyon.