Laro sa Miyerkules (Mall of Asia Arena, Pasay City)
8 a.m. AdU vs UE (M)
10 a.m. FEU vs NU (M)
2 p.m. UE vs La Salle (W)
4 p.m. UST vs Ateneo (W)
MANILA, Philippines – Tinapos ng National University Lady Bulldogs ang tatlong sunod na kabiguan na bumulaga sa kanila sa second round gamit ang 25-15, 25-19, 25-15, straight sets panalo sa host UE Lady Warriors sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinatampukan ang panalo sa larong tumagal lang ng isang oras at walong minuto ng 11-0 bentahe sa blocks at ang 6’4” higante na si Jaja Santiago ay mayroong apat na blocks.
Sa kabuuan, si Santiago ay mayroong 14 hits, at 10 dito ay sa attacks habang si Myla Pablo ay may nangungunang 11 kills tungo sa 12 hits.
May pinagsamang 10 digs sina Santiago at Pablo para tulungan ang Lady Bulldogs na pantayan ang pahingang UST Tigresses sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 5-6 baraha.
Ibinuhos ni Angelica Dacaymat ang lahat ng 11 puntos sa attack points pero kinulang siya ng suporta para malaglag pa ang UE sa ika-12 sunod na kabiguan sa liga.
Binawian ng Adamson Lady Falcons ang UP Lady Maroons sa pamamagitan ng mahigpitang 25-21, 25-13, 20-25, 22-25, 15-12, tagumpay sa ikalawang laro.
Si Amanda Villanueva ang siyang pumatay sa magandang laban na ipinakita ng UP nang naipasok ang combination play.
Bago ito ay ibinigay ni Faye Guevara ang triple match point sa matinding kill at kahit nakabawi ng isang puntos ang State University ay nabitiwan ng depensa si Guevarra tungo sa winning play.
Ang panalo ay ikalawang sunod ng Adamson para gawin tatlo ang magkakasama sa ikaapat na puwesto sa 5-6 baraha.
Ang UP ay nalaglag sa 4-7 baraha at katabla ang pahingang FEU Lady Tamaraws sa ikaanim at pitong puwesto.
Kailangang maipanalo ng UP at FEU ang nalalabing tatlong laro para gumanda ang tsansang umabante sa semifinals.