NU babangon; UP-Adamson agawan sa krusyal na panalo
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
8 a.m. UE vs UST (M)
10 a.m. UP vs Ateneo (M)
2 p.m. UE vs NU (W)
4 p.m. UP vs Adamson (W)
MANILA, Philippines - Wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo sa pagbubukas ng ikalawang yugto ang plano ng National University sa pagbangga sa wala pang panalong host UE habang krusyal na panalo ang pag-aagawan ng UP at Adamson sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nasayang ang dalawang dikit na panalo nang pumasok si coach Roger Gorayeb sa Lady Bulldogs dahil talunan sila sa mga koponan para sa 4-6 karta.
Nakasalo ang Lady Bulldogs sa Lady Maroons at Lady Falcons sa mahalagang ikaapat hanggang ikapitong puwesto at kapos lang ng isang panalo para saluhan ang pahinga at nagsosolo sa ikatlong puwesto na UST Tigresses (5-6).
Paborito ang NU sa UE sa unang tunggalian sa alas-2 ng hapon at inaasahang hahataw sa puntos ang 6’4 na si Jaja Santiago para ipatikim sa Lady Warriors ang ika-11 sunod na pagkatalo.
Tinalo ng UP ang Adamson sa apat na sets sa unang pagkikita at sa larong ito nawala ang mahusay na spiker na si Kathy Bersola dahil sa ACL.
Galing sa dalawang sunod na pagkatalo ang Lady Maroons sa mabibigat na katunggali na La Salle Lady Archers at nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles kaya’t maaasahan na gagawin ng State University ang lahat ng makakaya para wakasan ang losing streak at palakasin ang paghahabol sa Final Four sa larong magsisimula dakong alas-4 ng hapon.
Tiyak na handa ang Lady Falcons na harapin ang hamong ito lalo pa’t galing sila sa straight sets panalo sa UE sa huling laro para tagpasin ang four-game skid.
Ang mga subok nang sina Mylene Paat, Amanda Villanueva at Jessica Galanza ang mga aasahan ng Adamson habang sina Nicole Tiamzon, Angeli Araneta at ang gumagaling na si Marian Buitre ang mga paghuhugutan ng puwersa ng UP. (AT)
- Latest