MANILA, Philippines - Magsasagawa ng community service ang pamunuan ng Ronda Pilipinas 2015 bilang bahagi sa isasagawang tatlong araw na qualifying sa Visayas at Luzon.
Ang LBC Foundation sa pangunguna ni Nena Wutrich, ang siyang mangangasiwa sa bagay na ito at tampok na gagawin ay ang magtanim ng puno bukod sa pagbisita sa mga cancer victims.
“This is in line with LBC’s thrust to reach out to the community using Ronda Pilipinas as one of our vehicles,” wika ni Wutrich.
Ang pagtatanim ng mangroves ay gagawin sa Pebrero 12 sa Bacolod habang ang pagbisita sa mga may cancer ay itinakda sa Pebrero 16 sa Kythe Foundation sa Tarlac City.
Pagagandahin din ang napiling paaralan sa Antipolo City sa Pebrero 17 habang isang feeding program ang gagawin sa Dagupan, Pangasinan sa Pebrero 26.
May suporta ng MVP Sports Foundation at may basbas ng PhilCycling, ang Visayas qualifying ay gagawin mula Pebrero 11 hanggang 13 sa Negros island at 50 elite at apat na junior riders ang kukunin dito.
Ang Luzon ay itinakda mula Pebrero 16 at 17 sa Tarlac at Antipolo City at 30 elite at apat na juniors ang mapapasama sa Championship round mula Pebrero 22 hanggang 27.
Ang 88 qualifiers ay sasamahan ng nagdedepensang si Reimon Lapaza ng Butuan City bukod pa ng mga kasapi ng national team sa pangunguna ni Mark Galedo.
Isang composite team mula Europe ang magpapaganda sa championship round na kung saan ang lalabas na Pinoy champion sa individual ay mag-uuwi ng P1 milyon.