MANILA, Philippines – Ang pinakamatagal na world Filipino boxing champion at ang unang Grand Slam team sa Philippine Basketball Association (PBA) sa nakaraang 18 taon ang nangunguna sa listahan ng mga major awardees na kikilalanin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night, inihahandog ng MILO at San Miguel Corporation.
Si World Boxing Organization (WBO) light-flyweight title holder Donnie Nietes at ang San Mig Coffee team na kumumpleto sa three-conference sweep sa PBA sa nakaraang season ang pararangalan sa Pebrero 16 sa 1Esplanade Mall ng Asia Complex ng pinakamatandang media organization.
Kamakailan ay nalampasan ni Nietes ang seven-year reign ni boxing great Gabriel ‘Flash’ Elorde bilang pinakamatagal na Filipino world champion matapos ang matagumpay na pagdedepensa ng kanyang korona laban kay Carlos Velarde noong Nobyembre.
Ginabayan ni coach Tim Cone, hinirang naman ang Mixers bilang unang PBA team matapos ang Alaska noong 1996 na kumuha ng Grand Slam matapos walisin ang nakaraang season.
Ang iba pang bibigyan ng major award sa gala night kung saan tumatayo ang MVP Sports Foundation, Meralco at Smart bilang mga principal sponsors at ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor ay sina Youth Olympic Games gold medalist Gabriel Luis Moreno, Olympic figure skater Michael Christian Martinez, five-time NCAA men’s champion San Beda Red Lions, PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo at si UAAP counterpart Kiefer Ravena.