MANILA, Philippines – Sa kanilang munting paraan ay inialay ng Rain or Shine ang kanilang unang panalo para sa mga miyembro ng tinaguriang ‘Fallen 44’ ng Special Action Force (SAF).
“We want to pay tribute to the 44 SAF members that perished in the unfortunate incident in Mamasapano, Maguindanao. Gusto naming bigyan ng pagpapahalaga ang kanilang sakripisyo, makiramay sa mga pamilya nila,” sabi ni head coach Yeng Guiao matapos talunin ng kanyang Elasto Painters ang NLEX Road Warriors, 96-91, sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si guard Paul Lee ng 25 points para banderahan ang Elasto Painters kasunod ang 17 ni import Rick Jackson, sinasabing posibleng papalitan ni dating reinforcement Wayne Chism, at 10 ni Raymond Almazan.
Ang layup ni Lee ang nagbigay sa Rain or Shine ng isang 10-point lead, 60-50, sa ilalim ng limang minuto sa third period bago naagaw ng NLEX ang unahan sa 84-83 galing sa putback ni Asi Taulava sa huling tatlong minuto ng fourth quarter.
Isang jumper ni Lee, three-point shot ni Jonathan Uyloan at spin move ni Gabe Norwood ang muling naglayo sa Elasto Painters sa 90-84 sa huling 1:37 minuto ng laro.
Huling nakadikit ang Road Warriors sa 91-94 buhat sa slam dunk ni import Al Thornton sa natitirang 16 segundo.
Rain or Shine 96 – Lee 25, Jackson 17, Almazan 10, Uyloan 9, Norwood 8, Chan 8, Arana 6, Ibanes 5, Cruz 4, Tang 2, Belga 2, Tiu 0, Quinahan 0.
NLEX 91 – Thornton 28, Lingganay 19, Taulava 17, Cardona 7, Borboran 6, Ramos 6, Villanueva J. 4, Canaleta 2, Villanueva E. 2, Hermida 0, Camson 0, Apinan 0, Arboleda 0, Baloria 0.
Quarterscores: 25-18; 43-34; 73-65; 96-91.