MANILA, Philippines – Habang tila mabibigo ang bansa na makapag-uwi ng gintong medalya sa nakaraang 17th Asian Games sa Incheon, South Korea at mula sa kawalan ay bumandera si BMX rider Daniel Caluag.
Sa kabila ng kabiguang makasali sa anumang event na may basbas ng UCI (Union Cycliste International) noong nakaraang taon, napanatili ni Caluag ang kanyang porma para ibigay sa Pilipinas ang gold medal sa men’s BMX race sa Ganghwa Asia BMX Track noong nakaraang Oktubre.
Ang gintong medalya ng 27-anyos na registered nurse ang siyang tanging naiuwi ng 160-strong Philippine delegation mula sa naturang quadrennial meet matapos noong 1998 edition sa Bangkok, Thailand.
Ito ang unang cycling gold medal ng bansa sa kasaysayan ng paglahok sa Asiad.
Ang nasabing tagumpay ng Filipino rider ang nagsalba sa kampanya ng bansa kaya siya hinirang na Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association.
Pangungunahan ng Filipino-American BMX racer ang halos 70 prominenteng sports personalities at entities na pararangalan sa PSA Annual Awards Night na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp. sa Feb. 16 sa 1Esplanade Mall ng Asia Complex.
Ibibigay din ng pinakamatandang media organization sa bansa ang mga major awards at citations sa formal rite.
Isinama sa honor roll list ang 1973 Philippine men’s basketball team (Lifetime Achievement Award) at sina Tim Cone (Excellence sa Basketball), Hall of Fame (Mitsubishi), Alyssa Valdez (Ms. Volleyball), Jean Pierre Sabido (Mr. Taekwondo) at sina Princess Superal at Tony Lascuna (Golfers of the Year).