Laro sa Huwebes (The Arena, San Juan City)
2 p.m. Hapee vs Café France
4 p.m. Cagayan Valley Suns vs Cebuana Lhuillier
MANILA, Philippines – Tinalo ng Cebuana Lhuillier Gems ang Jumbo Plastic Giants, 85-81, habang nanaig ang Café France Bakers sa Bread Story-Lyceum Pirates, 81-68, upang umabante pa sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagpakita ng katatagan ang Gems nang nagawang bumangon matapos mawala ang double-digit lead at naiwanan pa ng anim sa huling yugto para makumpleto ang pagsasantabi sa twice-to-beat advantage na hawak ng number four seed Giants.
Sina Allan Mangahas at Simon Enciso ang nagtulong para tabunan ang 67-73 iskor at nakalamang pa sa 76-75, bago pumalit si Paul Zamar na inangkin ang anim sa huling siyam na puntos para tuluyang pagpahingahin ang Giants.
Ibinuhos ni Zamar ang lahat ng walong puntos sa huling yugto habang si Norbert Torres ang nanguna sa koponan sa 17 puntos. Sina Mangahas, Enciso, Almond Vosotros at Kevin Ferrer ay nasa doble-pigura at nagsanib sa 49 puntos.
Si Philip Paniamogan ay may 15 puntos para banderahan ang apat na Giants na nasa double-digits ngunit nalimitahan lamang ang koponan sa dalawang free throws matapos ang huling tabla sa 79-all.
Makakaharap ng Gems ang number one team at walang talong Cagayan Valley Rising Suns sa semifinals na isang best-of-three series.
Ginamit naman ng Bakers ang 16-2 palitan sa ikatlong yugto para basagin ang naunang dikitang laro para tapusin ang respetadong kampanya ng baguhang Pirates.
Tig-anim na puntos ang ginawa nina Alvin Abondo at Aaron Jeruta para pasiklabin ang run na ito na nakatulong upang bigyan ang Café France ng 31-14 bentahe sa naturang yugto.
Makakalaban naman ng Bakers ang Hapee Fresh Fighters sa semifinals na lalaruin sa isa ring best of three series. (AT)