MANILA, Philippines – Iwinagayway ni Warren Kiamco ang bandila ng Pilipinas sa 2015 Derby City Classic nang pagharian niya ang 9-ball title sa pagtatapos ng kompetisyon na ginawa sa Horseshoe Southern Indiana Resort and Casino, Elizabeth, Indiana.
Kinaharap ni Kiamco ang dating kasamahan na bumalik ng Canada na si Alex Pagulayan at sa ikalawang pagkikita ay tinalo niya ito para iuwi ang $16,000 gantimpala.
Unang natalo si Kiamco sa 4-9 iskor pero may buy-back option pa siya dahil hindi siya nasilat sa naunang 13 laro. Kasama sa kanyang giniba ay ang dating kampeon at kababayan na si Efren “Bata” Reyes at Carlo Biado.
Sa pagkakataong ito ay pumanig ang suwerte kay Kiamco na tinalo si Pagulayan sa dikitang 9-7 iskor.
Kinuha niya ang panalo nang nagbunga ang ginawang 7-9 kombinasyon para sa kauna-unahang titulo ni Kiamco mula 2009.
Bigo man, si Pagulayan ang lumabas na may pinakamalaking panalo dahil ang kampeon ng One Pocket at pumangatlo sa 10-Ball Challenge ang siyang kinilala bilang 2015 Master of the Table para maiuwi ang $20,000.
Si Reyes ang lumabas na nasa ikalawang puwesto nang pumangatlo sa 9-Ball Banks para sa $3,000 gantimpala habang si John Brumback ang pumangatlo sa kategorya para sa $2,000 premyo.
Ang 2014 Master of the Table na si Dennis Orcollo ay wala sa kondisyon sa taong ito dahil ang pinakamagandang pagtatapos sa mga events na pinaglabanan ay 21st place sa 9-Ball Banks Division. (AT)