P2B kailangan ng Pinas para sa 2019 World Cup
MANILA, Philippines - Tumataginting na P1.5 hanggang P2 bilyon ang perang kakailanganin sakaling ibigay sa Pilipinas ang 2019 FIBA World Cup.
Hindi naman natitinag ang pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ng pangulong si Manny V. Pangilinan dahil nakikita nila ang suportang makukuha sa lahat ng mga Filipino para maisagawa ang pinakamalaking World Cup sa kasaysayan nito.
Ito ang magiging kauna-unahang edisyon na aabot sa 32 bansa ang sasali kaya’t magandang behikulo ang kompetisyon para maipakilala pa ang Pilipinas sa mga dadayong koponan.
Mismong ang mga opisyales ng pamahalaan ang nagpakita ng kanilang pagnanais na mangyari ang laro sa bansa nang pangunahan ni Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang isang dinner sa Marble Halle ng Bureau of the Treasury building sa Intramuros.
Pangunahing bisita ang mga FIBA officials tulad nina secretary-general Patrick Baumann at ang mga kasapi ng FIBA evaluation committee na sina chairman Lubomir Kotleba, director general sa media at marketing services Frank Leenders at director of events Predrag Bogosavliev.
Dumalo rin sa hapunang ito sina Senate President Franklin Drilon, House of Representatives Speaker Feliciano Belmonte, Sen. Grace Poe, Sen. Cynthia Villar, DPWH Secretary Rogelio Singson, Cabinet Secretary Jose Rene Almendras, PAGCOR CEO Cristino Naguiat, PAGCOR director Lito Tanjuatco, DOT Undersecretary Ma. Victoria Jasmin at Deputy Executive Secretary Teofilo Pilandro.
Umalis na kahapon ang mga FIBA officials para puntahan ang ibang bansa na nagnanais na sa kanilang lugar gawin ang World Cup.
Ang mga karibal ng bansa ay ang China, Turkey, Qatar at ang pinagsamang bid ng Germany at France.
- Latest