Tuloy na? Pacquiao-Mayweather nagpalitan ng phone number

Sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. ha­bang nagpapalitan ng phone number nang magkita sa laban ng Miami at Milwaukee.

MANILA, Philippines – Nang malaman ni Floyd Mayweather Jr. na ma­no­nood si Manny Pacquiao ng laro ng Miami Heat at Milwaukee Bucks ay tiniyak niyang makakaharap niya ang Filipino world eight-division champion.

Nakaupo sila sa magkabilang courtside, at sa halftime ay hindi napigilan ni Mayweather, nakatira sa Miami, Florida, na puntahan si Pacquiao.

Nagkamayan sila at nag-usap saglit kasunod ang pagpapalitan ng phone number.

“He gave his number to me and said we will communicate with each other,” wika ni Pacquiao kay Mayweather na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakausap niya ng personal.

Napilitan si Pacquiao na manatili sa Florida matapos ang Miss Universe pageant dahil sa kabiguang makakuha ng flight patungo sa New York at pauwi sa Pilipinas.

Hindi naman nauwi sa wala ang kanyang panonood sa laro ng Heat, ang Fil-Am coach na si Eric Spoelstra ay kaibigan ni Pacquiao, at ng Bucks dahil sa pagkikita nila ni Mayweather.

Ilang beses nang sinabi ng 37-anyos na si Maywea­ther na gustung-gusto niyang makalaban ang 36-anyos na si Pacquiao.

Ngunit ang nagsisilbing balakid para maitakda ang kanilang mega showdown ay mismong si Bob Arum ng Top Rank Promotions.

Nauna nang sinabi ni Arum na pumayag na si Pac­quiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather mula sa 40-60 purse split hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.

Kung matutuloy ang kanilang upakan sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada ay inaasahang tatanggap si Pacquiao ng $40 milyon kumpara sa mas mataas na $120 milyon ni Mayweather.

Show comments