MANILA, Philippines – Pakikialaman ng Philippine Olympic Committee (POC) ang bowling association sa hangaring putulin ang mga kabiguang nangyayari sa sinasalihang international competitions.
Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr., nakakabahala ang kasalukuyang estado ng bowling sa bansa dahil sadsad na ito bunga ng kawalan ng gintong medalya na napapanalunan sa kompetisyong sinalihan sa labas ng bansa.
Nabokya ang mga panlaban sa Incheon Asian Games noong nakaraang taon at sa Asian Tenpin Bowling Championships sa Bangkok, Thailand mula Enero 15 hanggang 26.
“Kailangang magising na ang sistema sa bowling lalo na sa preparations dahil nangangamote ang mga bowlers,” wika ni Cojuangco.
Kakausapin ni Cojuangco ang mga opisyal ng Philippine Bowling Congress (PBC) para tignan kung ano ang nangyayari sa sport na dati ay tinitingala sa mundo.
Nasa Pilipinas ang isa sa pinakamahusay na bowler sa mundo na si Paeng Nepomuceno na isang six-time World Bowling Champion at bukod tanging manlalaro na naka-apat na World Cup titles.
“I will meet with the people concern in the handling and training. Pakikialaman na natin ito nang konti. Dapat ay bumalik sila sa basics,” dagdag ni Cojuangco.
Tinuran niya hindi naman mahihina ang national bowling team ngunit napapansin niya na hindi sila agad nakakagawa ng paraan kapag hindi gamay ang oiling ng pinaglalaruan.
“Nakakaiskor sila kapag gamay nila ang lanes. Pero kapag hindi hirap na dahil nawala ang kanilang fundamentals. Ito ang dapat na ibalik sa kanila, ang basics,” dagdag ni Cojuangco na dati ay naupo bilang pangulo ng junior bowlers association.
Dahil sa masamang ipinakikita ng bowling kaya’t nagdesisyon na rin ang Philippine Sports Commission (PSC) na alisin na ang sport sa priority list na nabibigyan ng mas malaking tulong pinansyal kumpara sa ibang sports. (AT)