PBA Commissioner’s Cup lalarga ngayon 4 na import bibinyagan
Laro Ngayon (Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Kia vs Globalport
7 p.m. Ginebra vs Meralco
MANILA, Philippines – Noong 2013 PBA Commissioner’s Cup ay napanood si Michael Dunigan para sa Air21.
Humakot ang 6-foot-8 na si Dunigan sa naturang komperensya ng mga averages na 23.9 points, 15.4 rebounds, 3.3 assists at 2.4 blocks sa torneong pinagharian ng Alaska Aces kasama si Rob Dozier.
Ngunit sa kanyang pagbabalik ay ang uniporme ng Barangay Ginebra ang isusuot ni Dunigan.
Itatampok ng Gin Kings si Dunigan sa pagsagupa sa Meralco Bolts ngayong alas-7 ng gabi matapos ang banggaan ng Kia at Globalport Batang Pier sa alas-4:15 ng hapon sa pagdribol ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“I have no expectations. This is the same with the guys the last time I was here, I just try to compete and play hard,” wika ni Dunigan sa kanyang pagkampanya para sa Ginebra. “It’s step-by-step, game-by-game.
Naunahan ng Gin Kings ang Bolts sa paghugot kay Dunigan.
Ipaparada naman ng Meralco si import Josh Davis, pinapirma ng San Antonio Spurs noong nakaraang taon bago pinakawalan bago magsimula ang NBA season.
Naglaro si Davis para sa Austin Toros sa NBA D-League kung saan siya nagposte ng mga averages na 13.8 points at 10.5 rebounds.
Sa unang laro, magtatapat naman sina 7-2 3/ 4 Peter John Ramos ng Kia laban kay 6’9 CJ Leslie ng Globalport.
Ang iba pang imports na paparada ay sina 6-8 1/16 Rick Jackson (Rain or Shine), 7-0 1/2 Solomon Alabi (Barako Bull), 6-6 15/16 Richard Howell (Talk ‘N Text), 6’9 DJ Covington (Alaska), 6’9 Al Thornton (NLEX), Chris Charles (Blackwater) at Marqus Blakely (Purefoods).
Hindi matiyak ng San Miguel Beer kung makukuha ang original pick na si Arinze Onuaku matapos makatanggap ang huli ng anim na alok mula sa mga NBA team.
Nagpadala na ang Beermen ng offer sheet kay Campbell University star Eric Griffin.
Ang last four placers sa nakaraang Philippine Cup ay binigyan ng karapatang kumuha ng mga imports na may unlimited height.
Ang mga ito ay ang No. 9 Barako Bull, No. 10 NLEX, No. 11 Kia at No. 12 Blackwater.
- Latest