MANILA, Philippines – Huling pagtutuos na tiyak na mapupuno ng emosyon ang matutunghayan sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College Generals at St. Benilde Blazers para sa kampeonato sa 90th NCAA men’s volleyball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon at ang resulta ay siyang hinihintay na lamang para tuluyang matapos ang aksyon sa volleyball.
Nauna nang kinilala ang husay ng Perpetual Help Junior Altas at Arellano Lady Chiefs nang walisin ang Lyceum Junior Pirates at San Sebastian Lady Stags at isubi ang titulo sa juniors at women’s division noong Biyernes.
Ipinakita ng Generals ang masidhing hangarin na makamit ang kauna-unahang kampeonato sa kalalakihan nang kunin ang 25-22, 21-25, 21-25, 25-15, 15-13, panalo sa Game Two noong Biyernes.
Hindi nagpapigil si Howard Mojica na naghatid ng 33 puntos na sinangkapan ng mabangis na 28 puntos sa 81 attempts upang tulungan ang Generals sa 57-47 bentahe sa kills.
May 34 errors ang Generals pero binawi ito sa pagkakaroon ng 60 digs at si Juvie Mangarin ang nanguna rito sa ibinigay na 20 digs.
Tiyak na mas handa ang Blazers sa pagkakataong ito para hindi masayang ang hinawakan na 1-0 bentahe sa best-of-three series.
Si Johnvic De Guzman ang magdadala uli sa atake ng koponan ngunit dapat ay magkaroon sila ng mas magandang depensa lalo na kay Mojica para kuminang din sa unang pagkakataon sa dibisyon. (AT)