MANILA, Philippines – Dumiretso ang nagdedepensang Ateneo sa kanilang pang-walong sunod na panalo matapos talunin ang National University, 25-18, 25-21, 25-22, sa UAAP Season 77 women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil Flying V Arena.
Humataw si Alyssa Valdez ng 20 hits para pangunahan ang panalo ng Lady Eagles sa laro nila ng Lady Bulldogs na naunang inasahang magiging mahigpitan.
“It’s weird na nasa kabila siyang side ng court, he’s my coach for three years. But all throughout the game, parang maalaala mo yung mga natutunan sa kanya and sobrang inspiring. Parang after all, nagkakasama rin kami because of volleyball,” sabi ni Valdez sa dati niyang coach sa Ateneo na si Roger Gorayeb na ngayon ay nasa bench ng NU.
Bukod kay Valdez, naging susi rin ng Lady Eagles sa tagumpay si Amy Ahomiro.
Sa unang laro, kumamada si Christine Soyud ng career-high 16 points para pagbidahan ang De La Salle sa 25-27, 25-20, 25-23, 25-10 panalo kontra sa University of the Philippines.
Si Soyud ang naging ikalawang Lady Spiker matapos si Ara Galang na naging topscorer ng La Salle ngayong season makaraang palitan si Cyd Demecillo bilang open spiker.
Tumapos si Galang na may 14 hits at 13 digs para sa Lady Spikers.
Sa men’s division, naglista si Mark Alfafara ng 18 points at 2 digs para akayin ang University of Santo Tomas sa 25-19, 28-26, 25-23 panalo laban sa nagdedepensang NU.
Sumandal naman ang Ateneo sa 12 hits ni MVP Marck Espejo para wakasan ang anim na sunod na panalo ng Adamson University mula sa kanilang 26-24, 25-22, 25-18 tagumpay.