MANILA, Philippines – Walong imports pa ang susukatan bago payagang makapaglaro sa 2015 PBA Commissioner’s Cup na magsisimula bukas.
Limang reinforcement na ang nakapasa, habang isa naman ang pinauwi matapos sumobra sa height limit.
Nakatakdang sukatan ngayon sa PBA office sina Josh Davis (Meralco), Michael Dunigan (Barangay Ginebra), D. J. Covington (Alaska), Calvin (C. J.) Leslie (Globalport), Al Thornton (NLEX) at Chris Charles (Blackwater).
Ang mga nakapasa sa height limit ay sina 6-8 1/16 Rick Jackson (Rain or Shine), 7-2 3/ 4 Peter John Ramos (Kia), 7-0 1/2 Solomon Alabi (Barako Bull) at 6-6 15/16 Richard Howell (Talk ‘N Text).
Si Rod Benson ng Globalport ay nasukatan ng 6-9 1/8 at sobra sa height limit na 6’9 para sa walong koponan, habang ang last four placers sa Philippine Cup ay unlimited height.
Ang mga ito ay ang No. 9 Barako Bull, No. 10 NLEX, No. 11 Kia at No. 12 Blackwater.
Ang nagdedepensang Purefoods ay babanderahan ni Daniel Orton ngunit kasalukuyan pang nagla-laro ang dating University Kentucky forward sa Chinese league.
Muling hinugot ni coach Tim Cone si Marqus Blakely para pansamantalang maglaro sa Hotshots.
Inaasahang darating si Orton sa bansa sa unang linggo ng Pebrero. Iimbitahan din si Blakely sa PBA office para sukatan.
Hindi naman tiyak ng San Miguel Beer kung makukuha ang original pick na si Arinze Onuaku matapos makatanggap ang huli ng anim na alok mula sa mga NBA team.
Sinabi ni Team manager Gee Abanilla na nagpadala na sila ng offer sheet kay Campbell University star Eric Griffin.
Ang unang laro ng San Miguel sa PBA Commissioner’s Cup ay sa Peb. 4.