Matapos ang 13 taon ay muling nag-champion ang San Miguel Beer sa tinatawag na dating All-Filipino Conference na ngayon ay Philippine Cup.
Classic ang Game 7 na ipinanalo ng San Miguel matapos nilang pakawalan ang napakalaking lamang laban sa Alaska Milk.
Si Arwind Santos ang nagsalba sa San Miguel sa pamamagitan ng isang three-pointer. Kung hindi ay kahiya-hiya sana ang pagkatalo.
Natural, talunan, yakapan at matinding hiyawan ang sumunod matapos ang final buzzer. Baka may napaluha pa. Iba ang feeling ng champion.
Pinasalamatan ng coaches, team manager at players ang lahat ng sumuporta sa kanila.
Inuna nilang lahat si Boss Danding Cojuangco at si Ramon Ang na bumubuo ng management, tapos, siyempre, pinasalamatan nila ang fans.
Sumaludo rin sila sa Alaska, sa pangunguna ni Calvin Abueva, sa matinding galing at tapang na pinakita nila sa buong best-of-seven series.
Hindi kaya nakaligtaan ko lang pero wala yata ni isa sa kanila ang bumati kay Samboy Lim, na ngayon ay nagsusubok bumangon matapos ma-comatose.
“Para kay Samboy!” ang aking unang isisigaw.
Matagal nanilbihan si Samboy sa San Miguel bilang player at team manager. Sa 11-taon niya sa PBA, isang team lang ang pinaglaruan ni Samboy.
Loyal.
Iba ang may pinagsamahan.
Gumising na si Samboy mula sa coma at sabi ng kanyang pamilya ay nakaka-respond na siya sa mga tawag sa kanya.
Nakakangiti na. Umiyak pa nga raw si Samboy ng malamang pumasa ang kayang anak sa exams sa school.
Ewan ko lang kung gising si Samboy nang mag-champion ang San Miguel.
Kung sakali man ay naging mas masaya sana siya kung narinig niyang tinawag ang pangalan niya.
“Para kay Samboy!”