Laro sa Lunes
(The Arena,
San Juan City)
2 p.m. – EAC vs CSB
MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Arellano Lady Chiefs na maulit ang nangyari noong nakaraang taon nang inilabas ang mabangis na porma patungo sa 25-23, 25-19, 26-24 panalo laban sa San Sebastian Lady Stags at iuwi ang titulo sa women’s division sa 90th NCAA volleyball championship kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Menchie Tubiera, Cristine Joy Rosario, Shirley Salamagos at Danna Henson ang mga nagsilbing puwersa sa Lady Chiefs para hindi makabawi ang Lady Stags sa pagkatalo sa Game One patungo sa paghablot sa kauna-unahang kampeonato ng Arellano sa liga.
Noong nakaraang taon ay namuro na ang Arellano dahil isang set na lamang ang naglalayo sa koponan at ang titulo.
Pero bumitaw ang Lady Chiefs para magwagi ang Perpetual Help Altas.
“Last year ay nakawala ang title. Pero ngayon taon, talagang nagpursigi ang mga manlalaro para hindi maulit ito,” wika ni Arellano coach Obet Javier.
Kasamang nagdiwang ng Arellano ang Perpetual Junior Altas na winalis rin ang Lyceum Junior Pirates, 25-15, 25-23, 25-19.
Nabigo ang St. Benilde Blazers sa men’s division nang maisuko ang 22-25, 25-21, 25-21, 15-25, 13-15 pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College Generals para itabla ang serye.
Ang dalawang koponan ay magkikita sa Lunes sa Game Three.