Arum dumepensa sa pahayag ni Mayweather

MANILA, Philippines - Binalikan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions si Floyd Mayweather, Jr. ukol sa naunang pahayag ng Ame­­rican fighter na siya ang dahilan kung bakit naaantala ang kanilang laban ni Manny Pacquiao.

Sa isang panayam ng Denver Post, sinabi ni Arum na hindi siya ang dahilan ng mabagal na negosasyon kun­­­di si Mayweather.

“This is something that is totally strange,” wika ni Arum. “There is one guy to blame. And that’s Floyd May­weather.”

Sinabi kamakalawa ni Mayweather na habang si Arum ang promoter ni Pacquiao ay mahihirapang mangyari ang kanilang mega showdown.

Ayon kay Arum na hindi lamang ang laban nina Pac­quiao at Mayweather ang kanyang inaayos kundi pati ang pag-uusap nina CBS president Leslie Moonves at HBO chairman at CEO Richard Plepler.

Si Pacquiao ay lumalaban sa ilalim ng HBO, habang si Mayweather ay nasa bakuran ng Showtime/CBS.

“Everybody involved wants this fight, just like the fans,” ani Arum. “We’ve signed off on every point. We’ve agreed to everything. But push comes to shove, there’s one guy to blame.”

Alam din ni Arum ang dahilan kung bakit hindi maibigay ni Mayweather ang kanyang sagot para sa pormal na kumpirmasyon ng kanilang upakan ni Pacquiao.

 “He doesn’t want to fight southpaws,” wika ni Arum kay Mayweather, nagdadala ng malinis na 47-0-0 (26 KOs) ring record. “The worst possible opponent for him is Pacquiao. He’s afraid to lose.”

Kamakailan ay pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather.

Ito ay mula sa 40/60 purse split pabor kay Maywea­ther, ang pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing at ang petsa at lugar ng kanilang laban.

Tinanggap lahat ito ni Pacquiao para lamang matuloy ang kanilang suntukan ni Mayweather, inaasahang kikita ng $120 milyon kumpara sa matatanggap na $40 milyon ni ‘Pacman’.

Show comments