WASHINGTON -- Sa gitna ng kinalolokohang “KD2DC” ay nagpasiklab si Kevin Durant ng 34 points para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa 105-103 overtime win laban sa Wizards.
Sina Durant at Russell Westbrook ang umiskor ng lahat ng 13 points ng Thunder sa overtime.
Kinuha ni Westbrook ang inbounds pass at sumalaksak para sa kanyang layup sa natitirang 0.8 segundo sa extra period para sa winning bucket niya.
Tumapos siya na may 32 points para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Oklahoma City.
Ngunit ang gabi ay para kay Durant, ipinanganak sa Washington DC at gustong mahugot ng Wizards bilang free agent sa 2016.
Ang mga ‘’KD2DC’’ T-shirts at simbolo ay naging popular items at ipinakita siya na suot ang isang photoshopped ‘’Washington’’ jersey sa replay screen sa weather update sa fourth quarter.
Bumili si Durant ng 91 tickets para sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Umiskor naman si Nene Hilario ng 24 points, kasama ang siyam sa 11 puntos sa overtime, para sa Wizards.
Kumolekta si guard John Wall ng 28 points at 13 assists, habang nag-ambag si Bradley Beal ng 14 markers.
Sa Cleveland, tumipa si LeBron James ng 26 points, habang nagdagdag si Kevin Love ng 19 para igiya ang Cavaliers sa 106-92 laban sa Utah Jazz para sa kanilang ikaapat na panalo.