MANILA, Philippines - Nagkaroon ng pag-uusap ang ABAP at ang Games and Amusement Board (GAB) hinggil sa estado nina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez matapos lumahok sa AIBA Pro Boxing noong nakaraang taon.
Noong Martes ng gabi ay nagtungo ang pamunuan ng ABAP sa opisina ng GAB para ipaliwanag na hindi ikinukunsidera ng international federation bilang isang professional league ang kanilang torneo kaya hindi kailangan nina Barriga at Suarez na kumuha ng lisensya sa GAB katulad ng mga professional boxers.
“Ipinaliwanag namin na hindi isang professional tournament ang AIBA Pro Boxing. Pero hanggang dito lamang ang puwede kong sabihin dahil nagkasundo ang ABAP at ang GAB na hindi na muna magsasalita sa bagay na ito,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Hindi rin tinuran ng opisyal kung serye ng pagpupulong ang gagawin ng dalawang panig para lubusang malinawan ang usapin.
Nauna nang sinabi ni GAB chairman Ramon Guanzon na professional boxers na sina Barriga at Suarez dahil pumirma sila ng kontrata at tumatanggap ng bayad kada laban.
Limang taon ang kontratang pinirmahan nina Barriga at Suarez sa pagsali sa AIBA Pro Boxing na isa ring qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
Si Barriga ay isang London Olympics veteran at 2013 SEA Games gold medalist, habang si Suarez ay isang Incheon Asian Games silver medalist pero ang dalawa ay hindi makakasali sa SEA Games sa Singapore dahil sa pagpirma sa AIBA Pro Boxing.
“Hindi na pinahihintulutan ang mga sumali sa AIBA Pro Boxing na lumahok pa sa mga tournaments na hindi direktang nasa pangangasiwa ng international body,” ani Picson.
Nagsabi si PSC chairman Ricardo Garcia na posibleng tanggalin ang dalawa sa priority list. (AT)