Hapee, Cagayan pag-aagawan ang No. 1 spot
Laro Ngayon
(Ynares Arena, Pasig City)
12 n.n. – MP Hotel vs Cebuana Lhuillier
2 p.m. –MJM Builders vs Jumbo Plastic
4 p.m. –Hapee vs Cagayan Valley
MANILA, Philippines - Paglalabanan ng Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns ang unang puwesto, habang ang mahalagang ikaapat na puwesto ang pag-aagawan ng Cebuana Lhuillier Gems at Jumbo Plastic Giants sa pagpasok sa pangalawa sa huling laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup elimination sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Parehong wala pang talo ang Fresh Fighters at Rising Suns kaya’t tiyak na todo-bigay ang dalawa sa kanilang pagkikita na mapapanood sa huling laro sa triple-header ngayong alas-4 ng hapon.
May 10-0 baraha ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc at pagsisikapan ng nagbabalik na koponan sa amateur league na maipakitang angkop sa kanila ang pagiging ‘team to beat’ sa ligang sinalihan ng 12 koponan kung makumpleto ang sweep sa single round elimination.
“Magandang challenge ito sa amin dahil may championship experience ang kalaban namin,” wika ni Magsanoc.
Magbabalik sa Cagayan ang head coach na si Alvin Pua matapos makumpleto ang three-game suspension na ipinataw sa kanya.
Bitbit ang 9-0 karta, makikilatis nang husto ang husay ng No. 1 pick sa rookie draft na si 6-foot-7 Moala Tautuaa dahil makakatapat niya ang isa ring higante sa katauhan ni 6’7 Nigerian center Ola Adeogun.
Makikiagaw ng atensyon ang Gems at Giants na pinaglalabanan ang ikaapat na puwesto na magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Katunggali ng Cebuana ang MP Hotel Warriors sa alas-12 ng tanghali bago sundan ng pagtutuos ng Giants at MJM Builders sa alas-2.
Parehong may 6-4 baraha ang Gems at Giants at makukuha ng Gems ang pinag-aagawang upuan kung mananalo sila at matatalo naman ang Giants.
Ngunit kung pareho silang magwawagi o matatalo, ang Giants ang makakakuha sa naturang puwesto dahil tinalo nila ang Cebuana sa kanilang pagtutuos. (ATan)
- Latest