MANILA, Philippines – Kailangan nang maghanap ng ibang import ang San Miguel.
Ito ay matapos makatanggap ng tawag si Arinze Onuaku mula sa isang NBA team matapos ang impresibo niyang inilaro sa NBA D-League Showcase Cup.
Ngunit sinabi ng agent ni Onuaku na pag-aaralan muna nila ang alok ng naturang koponan sa NBA bago umatras sa paglalaro sa Beermen para sa darating na PBA Commissioner’s Cup na magbubukas sa Enero 27.
Ang 27-anyos na si Onuako ay No. 1 sa Syracuse all-time list sa kanyang .648 field shooting at No. 11 sa blocks sa itinalang 148.
Nakapaglaro siya sa NBA para sa New Orleans Pelicans at Cleveland Cavaliers bago bumaba sa NBA D-League.
Samantala, kumuha ng ibang import ang Rain or Shine matapos bitawan si Kenny Adeleke.
Hinugot ng Elasto Painters si Rich “Kareem” Jackson, isang undrafted player sa NBA Draft nang magkaroon ng lockout.
Ang 25-anyos na si Jackson ay naging kakampi ni Onuako sa Syracuse.
Ibabandera naman ng Globalport si Calvin “CJ” Leslie, produkto ng North Carolina State.